Pagtupad sa Pangako ng EDSA: Makabayang Cha-Cha (Charter Change), Makamasang Adyenda

Eksaktong 35 taon na ang nakaraan mula nang mag-aklas ang milyun-milyong Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa (oo, hindi lamang sa Metro Manila may protesta noon) para patalsikin ang mamamatay-tao at mandarambong na diktadurang Marcos, at tangkaing buuin ang pundasyon ng isang tunay na demokratikong bansa na makatarungan, mapayapa, at mapagkalinga sa mga mamamayan. Usap-usapan na rin ang mga planong tiket/alyansa/koalisyong pang-Eleksyong 2022.

Totoong hindi naging ganap na matagumpay ang pagtatangkang buuin ang pundasyon ng demokratikong bansang pinapangarap pa rin natin ngayon, pero hindi maitatatwa na ang (natitira pang) katiting na kalayaan at karapatan natin sa panahong ito ay utang na loob natin sa Edsa I. Kung hindi napatalsik ang diktadurang Marcos, malamang na mas masahol ang kalagayan natin sa kung anuman ito ngayon – gaano man kahirap paniwalaan o i-imagine dahil ramdam naman nating lahat na masama rin ang sitwasyon ng bansa ngayon: baon sa utang, laganap ang pamamaslang at paglabag sa karapatang pantao, nasa kumunoy pa rin ng korapsyon, binabansagan at tinatratong “terorista” ang sinumang magpahayag ng pagtutol sa mga panlipunang inhustisya at kainutilan sa paggampan ng tungkulin ng mga nasa poder…

Dapat ding tandaan na may kongkretong iniregalo sa atin ang Edsa Uno: bagong Konstitusyong may malawak at malalim na pagkilala at pagprotekta sa mga karapatang pantao at mga probisyong ekonomiko na gaano man kakulang o kalimitado ay masasabing makabayan at maka-mamamayan pa rin sa pangkalahatan.

Ang Konstitusyong 1987 ay binuo sa pamamagitan ng Constitutional Commission na ipinatawag ng unang administrasyong Aquin noong 1986, at niratipikahan ng sambayanang Pilipino sa sumunod na taon. Samakatwid, anuman ang kahinaan at kakulangan nito, ito’y Konstitusyong tunay na atin at pinagtibay natin bilang sambayanan.

Sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Duterte, nagkakandarapa ang mga kongresista sa pagraratsada ng mga proseso para amyendahan ang Konstitusyon at alisin ang mga makabayang probisyong ekonomiko nito. Taliwas sa diwa ng Edsa ang kanilang pagkukumahog na traydorin ang interes ng sambayanan na nagpapasweldo sa matataba nilang bulsa at nagpapakain sa kanilang mga pamilya, kaya’t hinding-hindi tayo makikisayaw sa cha-cha (charter change o pagbabago ng Konstitusyon) na sila ang kumukumpas at nagpapatugtog.

Anu’t anuman, bilang pagsariwa sa tunay na diwa ng Edsa, panahon na ring lalo pang patibayin ang uuga-ugang pundasyon ng ating demokrasya, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga makabuluhang reporma na maaaring isabalikat sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon at iba pang kaugnay na hakbang.  Narito ang ilang nota sa makabayang cha-cha na maaari nating tugtugin at sayawin sa saliw ng protesta at pakikibaka.

Bitay para sa Mandarambong na Politiko

Pinatibay ng Konstitusyong 1987 ang pagsandig ng ating republika sa karapatang pantao. Sa ilalim ng nasabing Konstitusyon, hindi kataka-taka na ganap na ipinagbawal ng ating republika ang parusang kamatayan o death penalty noong 2006. Gayunman, marami-raming politiko nananawagan ng re-imposisyon ng parusang bitay. Sa tindi ng mga kaso ng pandarambong sa mga nakaraang dekada, marahil ay kailangan na ngang ibalik ang parusang bitay para man lamang sa mga mandarambong na politiko.  

Awtomatikong Probisyong Anti-Dinastiya

Kapuri-puri ang Konsitusyong 1987 sa pagkakaroon ng probisyong anti-dinastiya. Gayunman, kapuna-puna na hanggang ngayon, hindi pa rin isinasabalikat ng Kongreso ang tungkulin nito na magpasa ng enabling law o batas na magbibigay-bisa sa nasabing probisyong anti-dinastiya, at hugas-kamay naman sa isyu ang Korte Suprema na nagbigay-diin na ayon sa Saligang Batas, Kongreso ang inatasang gawin iyon. Panahon nang baguhin ang Konstitusyon upang direkta at awtomatikong ipagbawal ang mga dinastiyang politikal nang hindi na kinakailangan ng enabling law.

Sa mga nakaraang dekada ay nakita nating lahat ang masamang rekord ng mga dinastiyang politikal, na pawang mga ganid sa kapangyarihan at/o mandarambong sa pangkalahatan. Hindi iilang pananaliksik na ang direktang tumukoy sa mga dinastiya bilang mga salot na nagpapahirap sa bansa.

Sa ganitong diwa, iminumungkahi ko ang klaro at malawak na limitasyon sa kapangyarihan ng mga dinastiyang politikal sa pamamagitan ng pagrebisa ng probisyon sa Konstitusyon para maging ganito ang bago: “Ganap, direkta, at awtomatikong ipinagbabawal na mula ngayon ang mga dinastiyang politikal. Alinsunod sa awtomatikong pagbabawal na ito, hindi papayagang tumakbo nang magkasabay at/o magkasunod sa alinmang posisyon – lokal o nasyonal – ang magkakamag-anak (mag-ama/mag-ina, mag-tiyo/mag-tiya, magpinsang buo, mag-lolo/mag-lola, magkapatid, magbayaw/maghipag atbp.). Hindi rin papayagang magkasabay na tumakbo sa iba’t ibang lokal at/o nasyonal na posisyon ang mga nasabing magkakamag-anak. Hindi rin papayagang tumakbo sa alinmang posisyong ehekutibo ang sinumang kapamilya ng isang nasa posisyong lehislatibo, at vice-versa. Sa diwa ng probisyong ito, hindi rin papayagan ang muling pagtakbo sa kahit anong posisyong ehekutibo o lehislatibo ng sinumang mahalal/nahalal na presidente ng bansa. Gayundin, magkakaroon din ng awtomatikong 30 taong pagbabawal sa pagtakbo sa alinmang posisyong lokal o nasyonal para sa lahat ng direktang kapamilya (asawa o anak) ng sinumang nahalal/mahalal na presidente.”

Tatlong Taong Termino Para sa Presidente

Panahon na ring paikliin ang termino ng presidente. Sa matinong presidente, sapat na ang tatlong taon para may magawang kabutihan. Sa masamang presidente, sobra-sobra pa ang tatlong taon para makapaghasik ng lagim.

Pagbabawal sa Appointment ng Inutil o Hindi Kwalipikado sa Alinmang Pwesto sa Gabinete

Sa ilalim ng Konstitusyong 1987, binigyan ng kapangyarihan ang presidente na mamili ng mga miyembro ng kanyang gabinete o cabinet. Samantala, may kapangyarihan naman ang Senado at Kongreso sa pamamagitan ng Commission on Appointments, na kumpirmahin o kaya’y hindi tanggapin ang alinmang nominasyon sa gabinete. Sa kasamaang-palad, sa maraming administrasyon, tila lagi na lamang nagsisilbing tagasunod ng Malakanyang ang Senado at Kongreso kahit sa mga nominado sa Gabinete na malinaw na walang kapasidad at/o kredensyal para sa pwestong pinaglagyan. Samakatwid, may pangangailangang maglagay ng probisyong direktang nagbabawal sa appointment ng inutil o hindi kwalipikadong nominado sa alinmang pwesto sa Gabinete. Mapapatibay ito sa pamamagitan ng paglalagay ng probisyong nagbubuo ng Komite sa Nominasyon para sa bawat pwesto sa Gabinete. Sa pangkalahatan, kwalipikado ang maraming rank-and-file na empleyado sa mga ahensya ng gobyerno, kaya’t nararapat lamang na sila rin ang bumuo sa Komite sa Nominasyon na tatanggap at magsasala ng mga aplikasyon para sa bawat pwesto sa gabinete. Itatakda ng Komite sa Nominasyon ang mga minimum na requirements para sa mga posisyon sa Gabinete na wala pang batas na nagtatakda ng mga minimum na kahingian.  Mula sa mga aplikasyon ay pipili ng 3 pinaka-kwalipikadong aplikante ang bawat Komite sa Nominasyon, at ang president ang mamimili ng kanyang pinal na nominado mula sa nasabing 3 aplikante, na pagkatapos ay dadaanan naman sa proseso ng Commission on Appointments.     

Pagbabawal sa Awtomatikong Badyet para sa Pagbabayad-Utang at Paglalagay ng Probisyon para sa Awtomatikong Minimum na Badyet para sa Edukasyon At Iba Pang Mahahalagang Serbisyong Panlipunan

Bagamat sa diwa ay binibigyang-diin ng Konstitusyong 1987 na ang sektor ng edukasyon ang dapat magtamasa ng pinakamataas na badyet, madalas ay pagbabayad-utang ang aktwal na kumakain ng pinakamalaking porsyento sa pambansang badyet dahil sa awtomatikong badyet (automatic appropriations) para sa pagbabayad-utang – na isa lamang sa mga masasamang “pamana” ng diktadurang Marcos. Samakatwid, panahon nang direktang ipagbawal ang awtomatikong badyet para sa pagbabayad-utang, at maglagay naman ng probisyon para sa awtomatikong minimum na badyet para sa edukasyon (halimbawa’y katumbas ng 6% ng GDP o higit pa) at iba pang mahahalagang serbisyong panlipunan gaya ng pabahay at kalusugan.

Ekspansyon at Pagpapalakas ng at Pagbibigay-Diin sa Urban at Rural na Reporma sa Lupa

Kapuri-puri rin ang Konstitusyong 1987 sa pagkakaroon ng mga ispesipikong probisyon para sa urban at rural na reporma sa lupa. Gayunman, gaya ng pinatutunayan ng mga grupo ng mga maralitang tagalungsod (urban poor) at mga magsasaka sa kasalukuyan, ang malaking porsyento ng mga lupang urban at rural sa bansa ay nasa kamay pa rin ng iilang pamilya at korporasyon. Samakatwid, kailangang palawakin, palakasin, at bigyang-diin ang mga probisyon sa reporma sa lupa.

Bagong Probisyon para sa Ganap na Pagkilala sa Disente at Nakabubuhay na Sahod Bilang Pamantayan sa Minimum na Sahod

Bagamat may mga probisyong maka-manggagawa sa Konstitusyong 1987, nagkulang ito sa pagbibigay ng matibay na prorbisyong magpapataas sa antas ng pamumuhay ng mga manggagawa. Kaugnay nito, isa sa mga pinakaminimum na maaaring gawin ay ang opisyal na pagkilala sa disente at nakabubuhay na sahod bilang pamantayan para sa minimum na sahod.

Probisyon para sa Libreng Serbisyong Pangkalusugan 

Sa kabila ng mga positibong pagbanggit sa karapatan sa kalusugan na nasa Konstitusyong 1987, hindi lahat ng Pilipino ay nagtatamasa ng libreng serbisyong pangkalusugan. Halimbawa, pinapayagan pa rin ng Universal Health Care Act ang pag-iral ng mga pribadong Health Maintenance Organizations (HMOs) at ang paniningil ng mga pribadong ospital ng co-payments (bayarin ng mga pasyente, labas pa sa halagang “sinagot” o “covered” ng Philhealth). Hindi iilang pamilyang middle class at mahirap ang halos mamulubi na dahil sa mga ganitong bayarin. Panahon nang pawiin ang kawalan ng dignidad na ito. Iminumungkahi ang paglalagay ng probisyon sa Konstitusyon na ganap na magpapatupad ng 100% libreng serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mga Pilipino. Magsisilbing modelo para rito ang orihinal na National Health Services ng United Kingdom at ang sistema ng libreng serbisyong pangkalusugan ng Cuba.

Pagpapatibay sa Pangingibabaw ng Awtoridad na Sibilyan sa Establisimyentong Militar

Isa sa mga pangako ng Edsa I na hindi naipatupad (at tila nakalimutan na nga ng madla) ay ang pagpapatibay sa pangingibabaw ng awtoridad na sibilyan sa establisimyentong militar. Sa halip na “back to barracks” ang pwersang nangangalaga sa seguridad ng bansa, sa ngayo’y napakarami pang appointees sa mga pangunahing posisyon sa Gabinete, na pawang mga retiradong kasapi ng establisimyentong military. Ang ganitong realidad ay malinaw na taliwas sa diwa ng Edsa na nagpabagsak sa diktadurang matagal-tagal ding kinunsinti at sinuhayan ng establisimyentong militar, bago ang kanilang pagbaligtad para lumahok sa Edsa I. Samakatwid, kailangan ng ispesikong probisyon sa Konstitusyon para matiyak ang pangingibabaw na awtoridad na sibilyan at patuloy na malilimitahan ang impluwensya ng establisimyentong militar sa mga sangay ng pamahalaan alinsunod sa diwa ng Edsa. Halimbawa, nararapat nang direktang ipagbawal ang nominasyon sa alinmang pwesto sa Gabinete, korporasyon ng gobyerno, o ahensya ng gobyerno, ng sinumang retiradong matataas na opisyal ng militar – liban sa posisyon ng Kalihim ng Pambansang Depensa. Kaugnay nito, maaari ring magkaroon ng probisyon sa Konstitusyon na magbabawal sa pagtakbo ng mga retiradong matataas na opisyal ng militar sa alinmang pambansang posisyong ehekutibo o lehislatibo.

Probisyon para sa Mabilis na Transisyon Tungo sa 100% Paggamit ng Enerhiyang Renewable

Marahil, dahil hindi pa ganap na ramdam ang epekto ng climate change noong 1980s, walang probisyon hinggil sa paggamit ng enerhiyang renewable (solar, geothermal, wind atbp.) ang Konstitusyong 1987. Panahon nang magkaroon ng bagong probisyon sa Konstitusyon na magtatakda ng mabilis na transisyon tungo sa 100% paggamit ng enerhiyang renewable.

Pagpapatibay sa Mga Probisyon sa Soberanya ng Bansa

Sa Konstitusyong 1987, pinapayagan pa rin ang pag-eestasyon ng dayuhang base militar, tropa, at pasilidad basta’t may tratado o kasunduan na sinang-ayunan ng Senado at/o ng sambayanang Pilipino mismo sa pamamagitan ng isang pambansang referendum. Sa diwa ng pagtataguyod ng ating soberanya bilang isang malaya at nagsasariling bansa na pinapalaya na ang sarili sa mga natitira pang tanikala ng kolonyalismo, panahon nang ganap na ipagbawal ang pag-eestasyon ng dayuhang base militar, tropa, at pasilidad sa bansa.

Ang mga nabanggit na mungkahing pag-aamyenda sa Konstitusyon ay ilan lamang sa napakarami pang pagbabagong makabayan at maka-mamamayan na maaari nating talakayin, palaganapin, at itaguyod. Sa konteksto ng nalalapit na Eleksyong 2022, panahon na ring tuluy-tuloy na pag-usapan ang mga ito bilang batayan ng makamasang adyenda para sa susunod na halalan. Anu’t anuman, dapat tandaang ang mga konstitusyon at mga manipestong elektoral ay pawang mga piraso ng papel lamang na nagkakaroon lamang ng ganap na bisa at kapangyarihan kung pinaninindigan at itinataguyod ng sambayanang nakahandang gawin ang lahat para isulong ang kanyang interes at kapakanan.

Notes for further readings:

Para sa mga salaysay hinggil sa mga protesta sa labas ng Metro Manila: https://www.officialgazette.gov.ph/2014/02/25/edsa-elsewhere-the-1986-people-power-revolution/

Hinggil sa rekord ng mga pamamaslang sa ilalim ng diktadurang Marcos: http://www.hartford-hwp.com/archives/54a/062.html

Hinggil sa rekord sa pandarambong ng diktadurang Marcos: https://www.cenpeg.org/2010/1gov/jun/Remembering_the_Past=Chronology_of_the_Marcos_Plunder.html

Hinggil sa mga dinastiya sa Pilipinas: https://www.tandfonline.com/doi/abs/10.1080/13600818.2016.1169264?journalCode=cods20

https://www.grantthornton.com.ph/insights/articles-and-updates1/opinion/the-deleterious-effects-of-political-dynasties/

Hinggil sa panukalang pagbabasura sa awtomatikong badyet para sa pagbabayad-utang: http://legacy.senate.gov.ph/lisdata/59085266!.pdf

Hinggil sa nakabubuhay na sahod o living wage: https://www.ibon.org/the-family-living-wage-as-of-february-2020/

Hinggil sa militarisasyon ng Gabinete: https://news.abs-cbn.com/news/08/03/19/i-can-rely-on-them-duterte-defends-militarization-of-cabinet

Hinggil sa transisyon sa paggamit ng enerhiyang renewable sa Pilipinas: https://www.researchgate.net/publication/340945674_Transitioning_to_a_Progressive_Green_Economy_in_the_Philippines

Ang larawan ay mula sa website ni Prop. Luis Teodoro: https://www.luisteodoro.com/the-dimensions-of-impunity/ (nilapatan ko ito ng teksto sa pamamagitan ng https://imgflip.com/memegenerator)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s